Maraming nagtatanong kung ano ba ang adbokasiya o adhikain ko kung bakit ko tinutuwid ang maling paniniwala sa bibliya at pilit na binubuwag ang indoktrinasyon na unti-unting inilalagay sa isip ng ating mga kababayan na walang kamalay-malay sa kasinungalingan at panglilinlang ng mga organisadong simbahan na ito.

Pinaglalaban ko na ang pagtuturo ng relihiyon sa mga publikong at pribadong iskuwelahan ay dapat ituwid o maging pantay sa mga usaping tungkol sa ibat ibang klase ng pananampalataya para bigyan daan ang karapatan ng isang tao na sundin ang kanyang sariling paniniwala na walang hadlang mula sa institusyon ng edukasyon, ng gobyerno o kahit ng simbahan.

Pinaglalaban ko rin na lahat ng sangay ng gobyerno at publikong pagaari ng pamahalaan ay di dapat pagkikitaan ng mga simbolong konektado sa relihiyon kagaya ng krus, rosaryo o bibliya. Kung ito ay pinahihintulutan dapat lahat ng ibat ibang relihiyon sa pilipinas ay may karapatang isama ang simbulo ng kanilang pananampalataya kahit sa perang ating ginagamit.

Kinukumbinsi ko ang mga guro at opisyal ng gobyerno na baguhin at maglimbag ng isang standard na libro na magtuturo ng historiya at ideyolohiya ng ibat ibang relihiyon kagaya ng kristiyanismo, Judaism, at Islam na gagamitan ng iskuwelahan sa buong pilipinas upang mapagaral ng bawat Pilipino ang tama at mali ng paniniwala.

Kinukumbinsi ko rin na gamitin ng ating mga talentong guro ang kanilang karunungan at ekpertise na gumawa ng mga libro sunod sa ating kultura at pananaw at iwasan ang anumang pagaaral na maybahid banyaga upang ang Kritikal na Pagiisip ay maisalin ng tama sa ating mga kababayan. Ang gobyerno ng edukasyon at ng pamahalaan ay dapat maglaan ng budget para sa mga librong ito na isusulat ng ating mga guro.

Pinaglalaban ko rin na maging mandatoriya ang “Research and Development” sa bawat institusyon ng edukasyon upang sa ganuon ang ating bansa ay hindi na didipende sa kalakalan ng ibang bansa. Pagnangyari ang specialization na ito sa mga kolehiyo at unibersidad, ang kababayan natin ang makikinabang sa mga produkto at serbisyo na maiimbento dito. Ang pagunlad ng Pilipinas ay mapapadali.

Ang wikang Tagalog ay dapat maging pangunahing wika na tinuturo sa iskuelahan sa buong bansa at hindi Ingles. Pumapangalawa lamang ang katutubong dialekt ng isang probinsiya. Ang wikang Ingles at ibang banyagang linguahe o dayalekt ay dapat ituro lamang sa mataas na antas ng edukasyon kagaya ng bokasiyonal at kolehiyo. Kung may isang sariling wika, ang pagkakaintidihan ay malilinawagan, ang produksiyon ay mapapabilis at ang paguunlad ay mapapadali.

Ang pinakaimportante sa lahat, ang pagiging self-reliant at paghubog ng Critical Thinking sa ating mga kababayan ang dapat bigyan pansin ng ating gobyerno ng sa ganuon ang ating bayan ay umunlad. Ang edukasyon na bukas sa anumang pananaw ay magbibigay daan ng katotohanan at kagalingan ng pagiisip ng ating kabataan at mamamayan.

Ang walang kwentang pagubos ng panahon at oras ng ating mga kababayan dahil sa maling paniniwala ay dapat masugpo at ibaon na sa limot. Ang buhay na may diyos o walang diyos ay halos pareho lamang. Subalit mas masaya at mabilis ang pagunlad ng isang tao o ng isang bansa kung ang paniniwala sa diyos na humahati sa ating mamayan ay ating maiisang tabi, sa kadahilanang:

Una, imbis na ang pilipino ay maging isang self-reliant na tao, mas minabubuti nya pa na ilagay lahat ang kanyang talino at kakayahan sa kamay ng kanyang diyos. At dahil dito pag hindi siya umasenso sa buhay, ang katwiran nya ay nagiging:  “Ito ang gusto ng diyos para sa akin, wala akong magagawa”.

Pangalawa, imbis ang pilipino ay magsumikap upang ihaon nya ang sarili sa kahirap, ano ang kanyang laging sinsambit: “Kung ito ang gusto ng diyos para sa akin, sino ba ako para di sumunod”.

Pangatlo, imbis na ang pilipino ay maging isang mahusay na indibidual sa larangan ng kanyang sining,  pasiyon o industriya, ito ay naiisang tabi sa kadahilan na: “Hmmm…kung ito ay hindi para sa akin, alam ko ang diyos ay may mas magandang laan para sa akin”.

Pangapat. kung walang relihiyon, ang bansang pilipinas ay hindi mahahati dahil lamang sa isang paniniwala.

Dahil pilipino ka, alam ko na alam mo ang ibig kong sabihin dito.

Ang Buhay ay napakaganda at napakasaya. Lahat ng gusto mo sa buhay ay mapapasaiyo kung magiisip at kikilos ka lang ng tama. Kung hinihintay mo na mapunta ka sa langit upang maranasan lamang ang buhay na walang kahirapan, nagkakamali ka kapatid. Ang buhay ng kasaganahan sa langit ay nasa lupa din! Walang pagkakaiba doon at dito!

Kung ayaw mo maniwala … pagisipan mo muna ng sandali … bago mo sabihin na mali ako!

Salamat Kaibigan!

Atheon Lawsinismo

 

Disclaimer: Ang mga artikulo sa site na ito ay inilaan para sa balanseng edukasyon. Dahil ito ay patuloy na iniedit, inaupdate at pinagbubuti, inirerekumenda ko na bumalik madalas sa lugar na ito para sa mga bagong tala. Kung nais naman nyong gamitin ang anumang bagay dito para sa layunin ng intelehenteng talakayan o pagaaral, mangyaring ipagbigay-alam sa may-akda ito sa pamamagitan ng email o banggitin ang site sa format na: Atheista: Filipino Edition, Lawsinismo, 2000, USA.